Naghain na ng reklamong murder sa Department of Justice ang common-law wife ng pinatay na publisher ng pahayagang Catanduanes News now na si Larry Que.
Kabilang sa inireklamo ni Ginang Edralyn Pangilinan sina PO1 Vincent Tacorda, Catanduanes Governor Joseph Cua, Prince Lim Subion at ilan pang john does na umano’y nasa likod ng pagpatay sa kanyang mister sa Virac noong December 2016.
Ayon kay Pangilinan, umanin mismo si Tacorda sa isang local radio anchor sa Catanduanes na siya at ang dalawang iba pa ang nasa likod ng pagpatay sa kanyang mister.
Isa si Tacorda sa itinalagang security detail sa kanilang pamilya noon at nakonsensya ito nang makita ang mga naulilang anak ni Que kaya umamin ito sa nagawang krimen.
Naniniwala ang complainant na pulitika at ang nadiskubreng shabu laboratory sa Catanduanes ang posibleng rason sa pagpatay sa mamamahayag.
Kasama ni Pangilinan na nagtungo sa DOJ ang radioman na si Marlon Suplig na tumatayong testigo sa kanilang isinampang reklamo laban kina Cua, Tacorda at iba pa.
By: Drew Nacino / Bert Mozo