Nagpasalamat ang kaanak ng mga nasawing miyembro ng Special Action Force o SAF kay Vice President Jejomar Binay.
Ito’y makaraang banggitin at saluduhan ni Binay sa kaniyang kontra SONA o True State of the Nation Address ang kabayanihan ng SAF 44 na nasawi sa Mamasapano Maguindanao noong Enero.
Ayon sa nakatatandang kapatid ni SPO1 Lover Inocencio na si Joel, bagama’t batid nila ang sitwasyon na maraming inaasikaso ang gobyerno, ngunit hindi niya maitago ang pagkadismaya dahil sa hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang kapatid.
Kaya naman hiling ni Joel sa administrasyong Aquino, bilisan ang imbestigasyon upang buo na nilang matanggap ang kinasapitan ng kanilang mahal sa buhay.
Samantala, nakiusap naman ang biyuda ni PO3 John Lloyd Sumbilla na si Rachel sa Bise Presidente na huwag gamitin ang pagkasawi ng SAF 44 para sa ambisyong pulitikal nito.
By Jaymark Dagala