Dumulog na sa Commission on Human Rights (CHR) at National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ng napatay na Mayor Rolando Espinosa Sr. ng Albuera Leyte.
Ayon kay Atty. Leilani Villarino, abogado ng mga Espinosa, nais nila ng sabayan o parallel investigation sa iba pang mga imbestigasyon na ipinag-utos na ng gobyerno.
Hihintayin anya nila ang resulta ng mga imbestigasyon bago magsagawa ng susunod na legal na hakbang.
Sinabi ni Villarino na sa loob ng maraming taon niya bilang abogado, ngayon pa lamang siya nakarinig na puwedeng mag-apply ng search warrant para halughugin ang isang pasilidad na pinatatakbo na ng pamahalaan tulad ng Baybay City Provincial Jail.
Palaisipan rin anya kung bakit nag-isyu ng search warrant ang judge gayung ang ini-aaplay ng warrant ay isang kulungan.
Sinabi ni Villarino na hindi nila inaalis ang posibilidad na posibleng itinumba si Espinosa dahil marami itong idinawit na personalidad sa illegal drug operation.
Una rito, napatay ng mga kagawad ng CIDG Region 8 si Espinosa dakong alas-4:00 ng madaling araw noong Sabado sa loob ng kanyang selda sa Baybay City Provincial Jail.
Pinaputukan di umano ng alkalde ang mga pulis na mag-seserve ng search warrant dahil sa impormasyong may shabu at baril ito sa kanyang selda kayat napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.
Drug personalities
Samantala, pinangangambahan na wala nang kahihinatnan ang mga kasong naisampa laban sa mga personalidad na idinawit sa illegal drug trade ng napaslang na Mayor Rolando Espinosa Sr. ng Albuera Leyte.
Ito, ayon kay Chief Inspector Jovie Espenido, hepe ng Albuera Leyte PNP , ang reyalidad ng hustisya sa bansa kapag nawawala na ang complainant o testigo sa isang kaso.
Ayon kay Espenido, bagamat nabigla pa rin siya, inaasahan na rin nyang mayroong magtatangkang itumba si Espinosa dahil kabilang sa mga isinangkot niya ay mismong nagpapatakbo ng kulungan at ilang matataas na opisyal ng pulisya.
Ito anya ang dahilan kayat naghain ng mosyon ang abogado ni Espinosa na ilipat ito sa custody ng ibang law enforcement agency tulad ng NBI o sa Camp Crame mismo.
Binigyang diin ni Espenido na nakapagtataka talaga ang isinagawang operasyon ng PNP CIDG Region 8 dahil alam naman ng lahat ng units ng PNP na tumutulong na si Espinosa sa gobyerno sa pagbubunyag ng mga sangkot at kung sino ang kanilang protektor sa illegal drug trade.
BJMP
Maaaring makasuhan ang mga jail guard sa Leyte Provincial Jail, kung saan nasawi si Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Sinabi ni Director Serafin Barreto, hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ito ay dahil posibleng hindi nagkaroon ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng pamunuan ng piitan at ng mga nagsilbi ng search warrant.
Binigyang diin ni Barreto na ligal ang paghahalughog sa piitan, lalo pa kung ito ay iniutos na ng korte at mayroong search warrant.
Bahagi ng pahayag ni BJMP Chief Director Serafin Barreto
By Len Aguirre | Katrina Valle | Ratsada Balita