Bukas na ang pamilya ni UST Law student at hazing victim Horacio ‘Atio’ Castillo III sa posibilidad na maging state witness ang itinuturing na pangunahing suspek na si John Paul Solano.
Ayon kay Ginang Carminia Castillo, ina ni Atio, ito ay kung isisiwalat ni Solano ang lahat ng kanyang mga nalalaman kaugnay sa pagkamatay ng kanyang anak.
Una rito ay pinangalanan na ni Solano ang mga frat members ng Aegis Juris Fraternity na nasa likod ng hazing na ikinasawi ni Horacio.
Ginawa ito ni Solano sa isang executive session ng Senado matapos ang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Security na tumagal hanggang alas-11:00 ng gabi.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, malaman ang naging testimonya ni Solano sa kanilang executive session na tiyak na magagamit ng pulisya para kasuhan ang mga nakapatay kay Castillo.
Anim aniyang pangalan ang binanggit ni Solano na direktang naroon sa lugar kung saan isinagawa ang hazing kay Castillo.
Gayunman, wala aniyang katotohanan ang mga haka-haka na malaking pangalan ang nasa likod ng hazing dahil tila pawang kasing edad lamang ni Solano ang kanyang mga nabanggit na personalidad.
“Sobrang malaman, talagang kinilabutan nga kaming mga senador nung nagku-kuwento siya kung anong nangyari, ang agreement dahil executive session hindi pa natin maibibigay ang detalye ngayon, once na nag-execute siya ng affidavit, at nagbigay ng mga dokumento, ilalahad niya lahat ng mga detalye, mga pangalan kung sino-sino ang mga sangkot doon, if I remember correctly, anim na pangalan yung direktang nasa crime scene, once na nag-file na siya ng affidavit, babalik sa Senado upang mabanggit isa-isa kung sino ang mga taong ito.” Ani Gatchalian
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Manila Police District si Solano na nahaharap sa patung-patong na kaso.
—-