Bahagyang nabunutan ng tinik ang pamilya Castillo sa ginawang pagsasampa ng kasong paglabag sa anti-hazing law ng Department of Justice (DOJ) laban sa sampung (10) miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Ayon kay Ginang Carmina Castillo, ina ng hazing victim na si Horacio ‘Atio’ Castillo III, ang isinampang kaso laban sa mga respondents ay patunay lamang na may nangyari talagang ‘hazing’ na naging dahilan ng pagkasawi ng kanyang anak.
Giit ni Mrs. Castillo, maliban sa sampung respondents na una nang kinasuhan ng DOJ ay mayroon pang karagdagang sampu na inirerekomenda ding sampahan ng kaso.
“Doon sa sampung makakasuhan, non-bailable po ‘yun at life imprisonment po siya, ngayon may sampung pangalan pang pinadaragdag ng Department of Justice na dagdagan ang imbestigasyon dahil yung additional names parang lalabas magto-total po siguro ng mga 20 kapag natapos natin ang imbestigasyon sa sampu.” Ani Ginang Castillo
Aminado naman si Mrs. Castillo na hindi sapat ang kanilang ebidensya laban sa Dean ng UST Faculty of Civil Law na si Nilo Divina kaya ibinasura ang kaso laban dito.
Dahil dito, kanila pang pagtitibayin ang kanilang mga ebidensya at palalakasin ang ‘actual knowledge’.
Giit ni Mrs. Castillo, imposibleng hindi ito alam ng mga nakatataas na opisyal dahil matagal nang nagsasagawa ng hazing ang mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
“Kailangan po nating tandaan na ‘the crime of one is the crime of all’, kasi alam nila, imposibleng hindi nila alam ito, dahil fraternity nga ‘yan eh, nagpa-party sila taon-taon or every so often, nag-ga-gather sila, brotherhood ‘yan eh, nagkikita-kita ‘yan, imposibleng imposible na hindi alam.” Pahayag ni Ginang Castillo
Samantala, ikinatuwa naman ni Senador Juan Miguel Zubiri ang pagsasampa ng kaso ng Department of Justice laban sa sampung miyembro ng Aegis Juris Fraternity na sangkot sa hazing na naging dahilan ng pagkasawi ni Atio Castillo.
Paliwanag ni Zubiri, patunay ito na kumikilos ang DOJ at pinakinggan nito ang naging rekomendasyon ng Senado sa kanilang isinagawang pagdinig hinggil sa kaso.
Dagdag pa ng senador, ginawa na nila ang kanilang parte sa pamamagitan ng pagpasa ng mas mahigpit na anti-hazing law.
Hinikayat din ni Zubiri ang iba pang may kinalaman sa pagkamatay ni Atio na lumutang na at makipagtulungan sa kanila para mas mabilis na maresolba ang kaso.
(Ratsada Balita Interview)