Ikinukunsidera ng pamilya ng flight attendant na hinihinalang hinalay at pinaslang ang magsampa ng kaso laban sa hotel kung saan natagpuan ang katawan ng kanilang kaanak noong bagong taon.
Ayon kay Atty. Brick Reyes, abogado at tigapagsalita ng pamilya Dacera, malinaw na nagkaroon ng paglabag ang City Garden Grand Hotel sa umiiral na protocol kontra COVID-19 ng Inter-Agency Task Force.
Ito ay dahil pinahintulutan ng hotel na mag-stay ang higit sa pinapayagang bilang mga tao na maaaring tumuloy sa kanilang mga rooms.
Sinabi ni Reyes, batay sa natanggap nilang report, nasa 10 indibidwal ang nasa room 2209 kung saan tumutuloy ang biktimang si Christine Dacera noong bisperas ng bagong taon.
Habang 7 katao naman ang tumuloy sa room 2207 na kalauna’y sumama na rin kay Dacera at kanyang mga kaibigan.
Dagdag ni Reyes, mismong ang manager ng hotel na kaibigan ng isa sa mga suspek ang nag-ayos ng accommodation at napag-alaman ding kasama ng grupo sa kanilang new year’s eve party.