Hindi kuntento ang pamilya Dormitorio sa desisyon ng prosecutor na huwag nang magsampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa pagkamatay ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet Foruth Class Darwin Dormitorio.
Ayon kay Dexter Dormitorio kapatid ni Darwin at tagapagsalita ng pamilya bigo ang Baguio City prosecutors office na maikunsider ang aniya’y overwhelming evidence laban sa lahat ng mga respondents.
Naging selective aniya at hindi buong buong naipatupad ang Anti-Hazing Law of 2018 sa kaso ng kaniyang kapatid.
Sinabi ni Dexter na hangad lamang nila ay hustisya para sa pinatay niyang kapatid subalit dahil sa nasabing resolusyon ay hindi na nila ito makakamit.
Ipinabatid ni Dexter na nirerepaso na nila ang resolusyon at ikukunsider nila ang lahat ng posibleng legal options para rito.
Una nang nagpasya ang prosecutor na ibasura ang kaso laban kina Cadets Axl Rey Sanopao, Rey David John Volante, John Vincent Manalo at Tactical Officers Major Rey Bolo at Capt. Jeffrey Batistiana dahil sa kawalan ng probable cause.
Nilinis din ng prosecutors sina dating PMA Superintendent Lt General Ronnie Evangelista at dating Cadet Commandant Brigadier General Bartolome Bacarro dahil din sa kawalan ng probable cause.
Mahaharap naman sa hazing at murder sina Cadets Shalimar Imperial, Jr. At Felix Lumabag, Jr. Samantalang si Cadet Julius Carlo Tadena ay mahaharap sa hazing at less serious physical injuries at si Cadet Christian Zacarias ay mahaharap sa slight physical injuries.
Pinakakasuhan din ng murder sina dating PMA Station Hospital Chief Lt Col Ceasar Candelaria at medical officers Capt. Flor Apple Apostol at Major Maria Ofelia Beloy.