“Masaya ang aming buong pamilya dahil naalis na siya sa death row.”
Ito ang puno ng emosyon na ipinabatid ni Ginang Alicia Dalquez sa DWIZ, ina ng Pinay OFW (Overseas Filipino Worker) na si Jennifer Dalquez na naligtas mula sa parusang kamatayan sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Ayon kay Ginang Dalquez patunay lamang ito na inosente ang kanyang anak.
“Self-defense ang ginawa niya, nanlaban siya dahil tinangka siyang gahasain, bago pa siya gahasain ay binugbog pa siya ng amo niya, nag-agawan sila ng kutsilyo, ang amo yung may-ari ng kutsilyo, siya ang may hawak at sinabi niyang papatayin si Jennifer ma-rape man siya o hindi, self-defense po talaga ang ginawa ng anak ko.” Ani Ginang Dalquez
Ibinahagi rin ni Nanay Alicia na nakatulong na may konting alam sa karate ang anak kaya nakaligtas ito sa panggagahasa ng amo.
“Medyo may alam na karate si Jennifer for self-defense, tinuruan siya ng tatay niya.” Pahayag ni Ginang Dalquez
Hindi na rin aniya makapaghintay ang mga anak ni Jennifer na makapiling ang kanilang ina na matagal na nilang hindi nakita.
“Naghahanap talaga ng ina lalo itong bunso, maliliit pa ang mga ito ng umalis si Jennifer, ngayon malalaki na, kaya miss na miss na talaga nila ang kanilang nanay.”
Kaugnay nito, dalawang taon at kalahati pang mananatili sa kulungan si Jennifer dahil sa kaso ng pagnanakaw matapos na dalhin umano nito ang cellphone ng amo.
“5 years po yun, pero na-serve niya na yung dalawang taon at kalahati, mga 2019 puwede na siyang makalaya at umuwi.” Dagdag ni Ginang Dalquez
Puno ng pasasalamat ay umaasa si Ginang Dalquez na mabibigyan ng pardon si Jennifer at agad na makakapiling sa lalong madaling panahon ang nawalay na anak.
“Umaasa ako na hindi na darating ang 2 taon at kalahati para makauwi na siya agad, sa lahat ng sumusuporta at tumutulong sa amin maraming maraming salamat po at sa mga magulang ng mga OFW na nasa death row, huwag kayong mawalan ng pag-asa, magdasal lang po, humingi tayo ng tulong sa gobyerno, habang may buhay, may pag-asa.” Ani Ginang Dalquez
Hindi na rin pababalikin pa sa ibang bansa ni Ginang Dalquez ang anak para magtrabaho.
Si Jennifer ay inaresto noong December 12, 2014, ilang araw matapos niyang mapatay ang amo dahil sa tangkang panggagahasa.
Sinentensyahan siya ng parusang kamatayan ng Al Ain Court of First Instance noong May 20, 2015 ngunit nabigyan ng oportunidad na mabaliktad ang desisyon sa ilalim ng Islamic law.
Napaulat na bigong makadalo ang mga anak ng biktima sa mga itinakdang pagdinig kaya inihain ng kampo ni Dalquez ang tuluyang pagpapawalang-sala kay Jennifer.
By Aiza Rendon / Ratsada Balita (Interview)
Photo: Migrante International