Nagpadala na ang Malacañang ng grupo na magbabantay sa tahanan ng pamilya ng pinatay na Overseas Filipino Worker o OFW na si Joanna Demafelis sa Iloilo City.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa pamilya Demafelis na mayroong nagbabanta sa kanilang buhay.
Sinabi ni barangay kagawad Pablo Demafelis, tiyuhin ni Joanna na nakatanggap ng text message ang kapatid ng OFW kung saan nagbabala ito na may susunod na mamamatay sa kanila.
Naniniwala naman si Pablo na ang perang tulong ng gobyerno ang interes ng mga nagbabanta sa kanilang buhay dahil kinuwestyon ng mga ito kung bakit ipinaalam sa publiko ang halaga ng tulong na ibinibigay ng pamahalaan.
Homicide case
Naihain na sa korte sa Kuwait ang kasong homicide laban sa mag-asawang amo ng pinatay ng OFW na si Joanna Demafelis.
Ayon kay Atty. Raul Dado, Executive Director ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers ng DFA, malakas ang kaso laban kina Mona Hassoun at Nader Essam Assaf.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Interpol ang mag-asawang suspek.
—-