Naghahanda na sina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang pamilya at nasa proseso na ng paglipat sa Malakanyang upang maging first family.
Sa kanyang Youtube vlog, aminado si Marcos na bukod sa kanyang sarili, ang kanyang asawang si Liza at mga anak na sina Sandro, Simon at Vinny ay pawang nag-a-adjust sa kanilang mga paparating na bagong buhay bilang miyembro ng presidential family.
Kailangan anyang pansamantalang isuko ni Liza ang kanyang posisyon sa Law firm nitong M and Associates, na kanyang itinatag.
Inihahanda na rin ng panganay na anak nina Marcos na si Sandro ang kanyang bagong opisina para sa kanyang trabaho bilang kinatawan ng unang distrito ng Ilocos Norte.
Inamin din ni PBBM na panay reklamo na sina Simon at Vinny dahil sa biglaang pagdami ng kanilang security detail bagay na hindi naman anya maiiwasan kapag naging anak ng Pangulo.
Samantala, pinasalamatan naman ni PBBM si Pangulong Rodrigo Duterte sa opisyal na pagtatapos ng termino nito sa Huwebes, Hunyo 30.