Nabuhayan ng pag-asa ang pamilya ng pinaslang na environmentalist at broadcaster na si Gerry Ortega sa pagkakaaresto sa mga suspek na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes.
Ayon kay Mica anak ni Ortega, welcome surprise ang pagkakahuli sa magkapatid na Reyes sa Thailand dahil sa overstaying.
Bagamat nabuhayan ng pag-asa, aminado si Mica na mahaba pa ang gagawing nilang pakikipaglaban para makamit ang hustisya.
Naniniwala aniya sila na makapangyarihan, may pera at koneksyon pa rin ang magkapatid na Reyes at gagawin nila ang lahat huwag lamang makulong sa salang pagpatay.
“Makapangyarihan po sila, sila po ay may pera, sila po ay maimpluwensiya, sila po ay may mga koneksyon, ‘yun nga po yung nag-allow sa kanila na makaalis, na makapagtago ng ganoon katagal, kahit na malakas ang ebidensiya namin, hindi pupuwedeng o sige puwede na tayong manalo, ang tagal pa po ng laban na ito, at alam naming itong magkapatid na ito gagawin nila ang lahat para hindi makulong.” Pahayag ni Mica Ortega.
“Gobyerno naman ang kailangang kumilos”
Samantala, political will mula sa pamahalaan ang hinihiling ng pamilya ng pinatay na environmentalist/broadcaster Dr. Gerry Ortega upang makamit ang hustisya.
Inihayag ito ni Mica Ortega, panganay na anak ni Ka Gerry makaraang madakip sa Thailand dahil sa kasong overstaying ang magkapatid na dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Mayor Mario Reyes, ang itinuturong masterminds sa pagpatay sa kanyang ama.
Ayon kay Mica, ginawa na ng kanilang pamilya ang lahat ng kanilang magagawa para makamit ang hustisya kaya’t gobyerno naman ngayon ang kailangang kumilos.
Nais makatiyak ng pamilya Ortega na hindi mabibigyan ng special treatment ang magkapatid na Reyes sa sandaling maibalik na ang mga ito sa bansa.
Ayon kay Mica, igigiit nila na makulong sa ordinaryong kulungan sa Palawan ang magkapatid na Reyes at hindi sa National Bureau of Investigation (NBI) na tulad ng naunang napaulat.
Binigyang diin ni Mica na walang dahilan para ikulong dito sa Metro Manila ang magkapatid na Reyes dahil sa Palawan naman diringgin ang kanilang kaso.
By Mariboy Ysibido | Len Aguirre | Ratsada Balita