Nagpasaklolo na ang pamilya Parojinog sa VACC o Volunteers Against Crime and Corruption kaugnay ng madugong operasyon ng pulisya sa kanilang tahanan sa Ozamiz City noong Linggo.
Ayon kay VACC Founding Chairman Dante Jimenez, isang hindi niya pinangalanang kaanak ng pamilya Parijonog ang tumawag sa kanya upang humingi ng tulong.
Aniya, kanila na lamang hinihintay ang pormal na sulat mula sa pamilya Parojinog para pag-aralan kung nalabag ng mga pulis ang proseso ng kanilang operasyon.
Giit ni Jimenez, bagama’t sang-ayon siya sa pagpapaigting sa kampanya kontra iligal droga ay mahalagang mapakinggan pa rin ang panig ng pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa police operations.
Dagdag ni Jimenez, ipinakikita ng pangyayari na wala pa ring takot ang mga sindikato dahil kanilang patuloy na pangangalakal ng iligal na droga sa kabila ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra dito.
Senado hindi na kailangang manghimasok sa kaso ng pagpatay sa alkalde ng Parojinog
Hindi kailangang panghimusakan ng senado ang kaso ng pagkakapatay kina Ozamiz City Reynaldo Parojinog Sr. at sa kanyang asawa.
Ito ay ayon kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, ay dahil matagal nang kilala ang mga Parojinog bilang big time drug traffickers at kidnappers.
Aniya, tiyak na nanlaban sina Mayor Parojinog nang isilbi ng otoridad ang search warrant kaya humantong ito sa pagkakapatay sa kanilang mag-asawa at 13 iba pa.
Dagdag ni Sotto, minsan nang binalak ang pagsasagawa ng raid sa tahanan ng mga Parojinog pero hindi ito natuloy matapos na may lumabas na impormasyon.
Ayon din sa isang source, may isang heneral na malapit kay Ozamiz City Vice Mayor Nova Parojinog ang nagbibigay ng impormasyon at proteksyon sa pamilya.