Nangangamba ang pamilya ni Mary Jane Veloso na matuloy na ang pagbitay sa kanya sa Indonesia.
Kasunod ito ng pag-sponsor muli ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga magulang at mga anak ni Mary Jane na madalaw ito sa kanyang piitan sa Indonesia.
Ayon kay Darling Veloso, kapatid ni Mary Jane, kakaiba ang ikikilos ngayon ng DFA lalo na sa mga pahayag nila na handa nilang ibigay ang lahat ng gugustuhin ni Mary Jane sa mga panahong ito.
Sinabi ni Veloso ganito rin ang ginawa ng DFA sa kaso ni Joselito Zapanta na pinugutan sa Saudi Arabia.
“Yun nga po yung ikinaiiyak ng nanay ko, bakit po ganun, samantalang dati hindi nila kami pinapansin, bakit po ngayon ay kahit daw ano pa yung handa na yun kahit gaano karami ay ibibigay nila, tapos sinabi nila sa amin na ni-request yung pag-alis, hindi naman po ni-request, kasi po natakot din kami sa sinabi ng nanay ng pinugutan ng ulo? Huwag kaming maging kampante, kasi daw po ang ginawa ng DFA sa kanila ay pinaasa sila, ang sabi daw po sa kanila dadalaw lang kayo at lalaya na ang anak niyo.” Pahayag ni Veloso.
Kaugnay nito, tumulak na patungong Indonesia ang pamilya Veloso para bisitahin ang Pinay drug convict na si Mary Jane.
Kasama sa mga bumiyahe ay ang ina, ama at 2 anak ni Mary Jane na sumakay sa PAL flight PR-539 kaninang alas-9:20 ng umaga sa NAIA Terminal 2.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Raoul Esperas