Umaasa ang pamilya Veloso na magagamit ang panahong may moratorium ng death penalty sa Indonesia para mapalaya na si Mary Jane Veloso, ang Pinay na sentensyado ng kamatayan sa Indonesia.
Ayon kay Darling Veloso, kapatid ni Mary Jane, sa ngayon ay nakatutok sila at ang kanilang mga abogado sa kaso ng recruiter na si Kristina Sergio dahil ito ang puwedeng maging susi ng paglaya ni Mary Jane.
Umaasa rin aniya ang kanilang mga magulang na muli silang mabigyan ng pagkakataong mabisita si Mary Jane sa kanyang kulungan sa Indonesia.
“Parang wala pong pag-uusap sa DFA, parang umaasa na lang po kami ngayon sa abogado, sila po ang nakikipag-ugnayan ngayon, sa ngayon po dito lang po kami nakayuon sa hearing kay Kristina, hinhiling lagi namin sa Diyos na hindi kami nawawalan ng pag-asa at kay president Widodo, alam po namin na narandaman na niya na inosente ang kapatid naming si Mary Jane.” Ani Veloso.
Ayon kay Darling, kahit nakakulong sa Indonesia si Mary Jane ay nagagawa pa rin nitong makatulong sa kanilang mga magulang.
Nagawa aniya ni Mary Jane na makalikom ng P70,000 mula sa tulong ng mga kapwa bilanggo para pampagawa ng nasirang bahay ng mga magulang dahil sa baha.
“Madalas po siyang tumatawag sa amin nangungumusta lalo na po nung nalaman niya na nalubog yung bahay namin at nasira ang bahay ng nanay ko at kapatid ko, alam niyo po nakakatuwang isipin na ang kapatid namin nakakulong pero nakakatulong pa rin po siya, kasi po yung pagkakasabi niya po nun sa mga kasamahan niya, nag-aambag ambag po yung mga tao, nagbibigay po sa kanya ng pera.” Pahayag ni Veloso.
By Len Aguirre | Ratsada Balita