Iginiit ng isang abogado na maaaring dumirekta sa International Criminal Court (ICC) ang pamilya ng mga biktima ng ‘war on drugs’ para magsumite ng kanilang mga ebidensya.
Ang pahayag ay ginawa ni Atty. Kristina Conti, ICC assistant to counsel at secretary general ng National Union of Peoples’ Lawyers-National Capital Region, makaraang tumanggi ang gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa muling pagbubukas ng imbestigasyon.
Sinabi ni Conti na inaasahan niya na may mga hawak na kopya ng police at SOCO reports ang pamilya ng mga biktima na maaari nilang dalhin sa ICC.
Nasa 7,000 dokumento ang una nang isinumite ng Philippine National Police (PNP) na may kaugnayan sa mga nakabinbin na kaso sa Supreme Court sa isyu ng Oplan Tokhang.