Nagpasaklolo sa Court of Appeals ang pamilya ng mga biktima ng war on drugs ng gobyerno upang atasan ang Philippine National Police at Quezon City Police District na imbestigahan ang umano’y pagtatapon ng mga bangkay malapit sa kanilang bahay sa Payatas.
Sa limang pahinang manipestasyon, nais mabatid ng mga complainant na sina Efren Morillo, mga magulang nitong sina Martino at Victoria; Maria Belen at Marla Daa; Maribeth Bartolay; Lydia Gavo; Jennifer Nicolas at Marilyn Malimban kung ang mga pulis na nauna nilang kinasuhan ang nagtapon ng mga bangkay.
Muli anilang nagdulot ng takot at pangamba sa kanilang panig ang dalawang bangkay na iniwan sa Payatas road noong Marso 12 na tila isang mensahe na i-atras na ang kaso laban sa mga pulis.
Magugunitang nagsampa ng kaso sina Morillo sa Office of the Ombudsman laban kina Senior Insp. Emil Garcia, PO3 Allan Formilleza, PO1 James Aggarao at PO1 Melchor Navisaga ng QCPD-Batasan Station dahil umano sa pagpatay sa apat nilang kaanak sa isinagawang anti-drug raid noong August 21.
Pawang mga basurero ang apat na biktima habang si Morillo ang nag-iisang survivor at tumatayong testigo laban sa mga nabanggit na pulis.
By: Drew Nacino