Bumaba ang bilang ng pamilyang Pilipino na nagsasabing sila ay mahirap.
Batay ito sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations o SWS mula June 24 hanggang 27, ilang araw bago umalis ng Malacañang si Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon sa survey, 45 percent o katumbas ng 10.5 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap, mas mababa sa 46 percent noong buwan ng Abril.
Batay sa datos ng SWS, ito na ang pinakamababang self-rated poverty rate sa nagdaang apat na taon o mula noong December 2011.
Pinuna ng SWS na bahagyang tumaas ang bilang ng mga pamilyang mahirap sa Metro Manila at Mindanao subalit nabalanse naman ito ng malaking pagbaba ng bilang ng mahirap sa Visayas at Luzon.
Limang puntos ang ibinaba sa Visayas at tatlong puntos naman sa Luzon.
Samantala, tatlong puntos naman ang itinaas ng nagsabing sila ay mahirap sa Metro Manila at isang porsyento sa Mindanao.
Food poverty
Pagkaing-mahirap ang tawag ng halos 7 milyong Pilipino sa inihahatag nila sa kanilang hapag-kainan.
Ayon sa survey ng Social Weather Stations o SWS, 31 percent ng respondents ang nagsabing sila ay food poor o kumakain ng pagkaing mahirap na halos pareho rin sa resulta ng survey nila noong Abril.
Dalawang porsyento ang ibinaba sa Metro Manila at Luzon samantalang tumaas naman ng apat na porsyento sa Visayas at dalawang porsyento sa Mindanao.
By Len Aguirre