Pansamantalang sinuspendi ng DSWD o Department of Social Welfare and Development ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga manggagawang hindi residente ng Boracay Island na apektado sa pagsasara ng isla.
Ito ay matapos na maubusan ng pondo ang tanggapan ng DSWD sa Barangay Manoc-Manoc sa Boracay Island.
Sa abiso ng DSWD, muling magbabalik ang kanilang operasyon at pamamahagi ng transporation subsidies sa Martes, Mayo 1.
Ayon sa DSWD, hindi nila inaasahan ang dobleng bilang ng mga dumagsang apektadong manggagawa na nais mag-avail sa ipinamamahaging pinanasyal na ayuda.
Paliwanag ng ahensiya, dahil walang bangko tuwing sabado at linggo, lunes pa mapoproseso ang encashment para sa pondo ng nasabing programa.
Sa huling tala ng DSWD kahapon, umabot sa halos apat at kalahating milyong piso ang naipamahaging transporation subsidies ng ahensiya sa mahigit dalawang libong displaced workers sa Boracay.