Inilunsad na ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Pampamahalaang Programa at Serbisyo bilang pagsalubong sa ika-126 na selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Pinangunahan kahapon, Hunyo 10, ng Manila Development Authority (MMDA) ang pormal na pagbubukas ng Pampamahalaang Programa at Serbisyo sa Rizal Park.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, nagbibigay ito ng pagkakataon para sa publiko na makakuha ng mga pangunahing serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Land Transportation Office (LTO), Department of Labor and Employment (DOLE), at Pag-IBIG.
Bukod rito, iba’t iba pang aktibidad ang inihanda ng administrasyong Marcos sa Quirino Grandstand at Burnham Green sa Rizal Park na maaaring salihan mula Hunyo 10 hanggang Hunyo 12.
Kasama rito ang paligsahan ng pagluluto sa mga pambansang pagkain, tiangge ng mga lokal na produkto, at Chili Festival.
Tampok din dito ang libreng concert at film showing ng mga pelikula na tungkol sa mga bayani ng Pilipinas.
Sa mismong Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, magkakaroon naman ng Parada ng Kalayaan kung saan 22 float na gawang Pinoy ang lalahukan ng iba’t ibang probinsya sa bansa.