Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Pampanga matapos labis na maapektuhan ng magnitude 6.1 na lindol.
Ito ayon kay Pampanga Governor Lilia Pineda ay matapos umabot na sa labing isa (11) ang nasawi sa lalawigan dahil sa naturang pagyanig.
Sinabi ni Pineda na maliban sa mga indibidwal, naapektuhan din ng lindol ang mga imprastruktura sa kanilang lalawigan.
Kasabay nito ay pinakilos ni Pineda ang mga alkalde sa mga bayan sa Pampanga na naapektuhan ng lindol na kaagad isumite ang ulat hinggil sa pinsala ng pagyanig sa kanilang lugar para kaagad maibigay ang kinakailangang tulong.
Kaagad aniya niyang isusumite sa Pangulong Rodrigo Duterte ang report para matugunan ng national government ang anumang kahilingan ng local government units sakaling hindi masagot ng provincial government.