Lumubog ang isang bangkang may sakay na dalawang daan at limampu’t isang (251) pasahero sa karagatang sakop ng Quezon Province.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard, ang bangkang Mercraft 3 ay naiulat na lumubog sa pagitan ng Dinahican Point Infanta at Polilio Island kaninang tanghali.
Patungo sanang Polilio Island mula sa Real, Quezon ang nasabing pampasaherong bangka.
Samantala, nagpadala na ng rescue team ang Philippine Coastguard na nagmula sa Southern Tagalog at patungo nang Real, Quezon.
Ayon kay Philippine Coastguard Spokesperson Commander Armand Balilo, nakipag-ugnayan na rin sila sa Southern Tagalog Philippine Airforce at Philippine Navy para sa mas mabilis na pagrescue sa mga pasahero ng nasabing bangka.
Nagpadala na rin aniya ng multi rolling vessel ang Philippine Coast Guard sa Quezon.
(Ulat ni Aya Yupangco)