Pansamantalang sarado ang mga pribado at pampublikong sementeryo maging ang mga kolumbaryo sa lungsod ng Maynila simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Ito’y matapos lagdaan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order no.33 na nag-uutos sa pagsasara ng Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Manila Muslim cemetery at ang mga kolumbaryo sa undas.
Alinsunod sa kautusan, papayagan ang libing at cremation para sa mga namatay na walang kaugnayan sa COVID-19 sa mga nasabing panahon basta’t susunod sa minimum health protocols tulad ng social distancing.
Kabilang sa mga inatasan upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan sa mga sementeryo ang Manila Health Department, the Manila Disaster Risk Reduction and Management Office katuwang ang Manila Police District.
Maaari namang maharap sa revocation ng Mayor’s at business permit ang lalabag sa naturang kautusan.—sa panulat ni Drew Nacino