Inakusahan ng mga residente at alkalde ng Brooke’s Point sa Palawan ang isang minahan na illegal ang ginawang pamumutol ng mga puno sa naturang lugar.
Sa isang press conference na pinangunahan ni dating DENR Secretary Gina Lopez, iniharap sa media si Brooke”s Point Mayor Jean Feliciano at ibinunyag ang walang humpay na pamumutol ng mga puno ang isang kumpanya ng minahan na nais magmina ng nickel sa kanilang lugar.
Ayon kay Mayor Feliciano, mahigit sa 100 ektarya ang pinagpuputol na mga puno na matatagal ng nakatayo sa kabundukang bahagi ng Brooks Point.
Nabatid na mahigit sa 25 chainsaw na hindi rehistrado ang gamit sa pamumutol ng mga puno, habang nakaantabay umano ang mga armadong guardya.
Iginiit ni Mayor Feliciano na ang kumpanyang Ipilan Nickel Corporation, ang isa pang kumpanya na pag-aari ng GFNI o Global Ferronickel Holdings Inc. ay walang hawak na permit mula sa alkalde, at kanselado ang kanilang hawak na Environmental Compliance Certificate at magmamawakas na rin ang hawak nilang mineral production sharing agreement.
Bilang reaksyon, nanindigan naman ang GFNI na may hawak silang special tree cutting at earth-balling permit na inisyu ng DENR para sa kanilang operasyon sa lalawigan ng Palawan.
By: Meann Tanbio