Dismayado si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro sa pamunuan ng Angat dam sa Bulacan.
Ito’y dahil sa ginawang pagpapakawala nito ng tubig bunsod ng matinding ulan na dala ng bagyong Ulysses.
Ayon sa alkalde, ang kanilang napaghandaan ay ang dami ng ulang ibubuhos ng bagyo sa kanilang lugar.
Subalit hindi naman aniya nila inaasahan ang pagpapakawala ng tubig ng dam na siyang dahilan ng pagtaas ng lebel ng tubig ng Marikina river.
Dahil dito, ikinakasa na ni Mayor Teodoro ang kasong negligence na kaniyang isasampa laban sa pamunuan ng Angat dam dahil sa kapabayaan nito.
Pero sa panig ng Napocor na siyang namamahala sa Angat dam, hindi kasama ang Marikina sa mga lugar na kanilang binigyang babala dahil wala ito sa mga sumasalo ng tubig na kanilang pinakakawalan.
Sagot naman ng alkalde, apektado pa rin ang Marikina City dahil konektado sa angat dam ang ilog Marikina sa sandaling nagpapakawala ito ng tubig.