Hindi parin lusot ang management ng Resorts World Manila (RWM) sa naganap na malagim na insidente na nagresulta sa pagkasunog ng bahagi ng casino at pagkasawi ng ilang guests at kawani nito.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, sisilipin ng mga otoridad ang security lapses ng Resorts World Manila sa patuloy na imbestigasyon.
Malaki ang duda ng Philippine National Police o PNP na nagkaroon ng “security breach” kaya nauwi sa trahedya ang insidente.
Ipinagtataka ng mga otoridad kung bakit walang kahirap-hirap na nakapasok ang nag-iisang armadong suspect sa Resorts World Manila at hindi man lang pinigilan ito ng mga guwardiya.
Marami din umanong dapat na ipaliwanag ang mga nagbabantay sa Closed Circuit Television (CCTV) ng establismento dahil kitang-kita sa recorded video ang armadong suspect pero walang ginawa ang mga ito.
Sisilipin din ng mga otoridad ang building design at safety protocols ng RWM dahil sa posibilidad na hindi umano gumana ang sprinklers ng casino kaya mabilis na natupok ang lugar na nagresulta sa pagkasawi ng mga biktima.
Kasabay nito kinatigan ni Abella ang naging pahayag ni Senador Panfilo Lacson sa panawagan nito sa publiko, pulis at media na iwasan muna ang mga ispekulasyon para hindi makagulo sa ginagawang imbestigasyon.
Si Lacson ay dating hepe ng Philippine National Police at maituturing na isa sa mga eksperto sa mga ganitong usapin
Mga nakaligtas na biktima sa Resorts World inirekomendang isailalim sa psychosocial debriefing
Inirekomenda ng Department of Health o DOH na isailalim sa psychosocial debriefing ang mga nakaligtas na biktima sa naganap na insidente sa Resorts World Manila.
Ito ang inihayag ni Health Secretary Eric Tayag para aniya maalis ang trauma ng mga biktima ng insidente.
Karamihan sa mga nakaligtas ay sugatan o kaya naman ay nabalian ng paa matapos lumundag sa second floor ng casino dahil sa matinding takot.
Ayon kay Tayag hindi madaling maalis sa isip ng mga biktima ang kanilang sinapit na karanasan lalo pa at armado ang suspect.
Inirekomenda rin ni Tayag na isailalim sa forensic examination ang mga nasawing biktima para malaman ang tunay na dahilan ng kanilang pagaksawi bagamat sinabi aniya sa ulat na namatay ang mga ito suffocation.
Pero sinabi ni Tayag na hanggang rekomendasyon lang sila dahil naging punong abala sa mga nasawing biktima ang management ng Resorts World.
DSWD magbibigay ng ayuda sa mga nasugatan at mga pamilyang naulila sa nangyaring pag – atake
Pagkakalooban ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ng ayuda ang mga nasugatan at mga pamilyang naulila sa nangyaring pag – atake sa Resorts World Manila.
Ayon kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo, technical assistance at resource augmentation ang nakatakdang ibigay sa mga biktima.
Itinalaga ang apat (4) na staff mula sa Crisis Intervention Unit para mag-ikot sa mga pagamutan kung saan dinala ang mga nasugatan biktima.
Habang limang (5) miyembro naman ng Disaster Team and Protective Services Program ang magsasagawa ng assessment sa higit tatlumpung (30) nasawi sa insidente.
By Rianne Briones | With Report from Aileen Taliping