Asahan na ang mainit at maalinsangang panahon sa bansa ayon sa PAGASA.
Ito’y makaraang pormal nang ideklara ng Weather Bureau ang pagsisimula ng panahon ng tag-init o dry season.
Paliwanag ng PAGASA, tuluyan na kasing natapos ang pag – iral ng northeast monsoon o hanging amihan na siyang nagdadala ng malamig na hangin.
Sa kasalukuyan, umiiral na ang easterlies o ang mainit o maalinsangang hangin na nagmumula sa silangan.
Gayunman, sinabi ng Weather Bureau na may mararanasan pa ring manaka-nakang mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa.
Kasunod nito, pinayuhan ng PAGASA ang publiko na iwasan ang mga aktibidad na makapagdudulot ng heat stress.