Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa.
Ayon sa PAGASA, tuluyan nang naabot ang criteria kaugnay sa dami ng naibuhos na tubig ulan para maisagawa ang deklarasyon.
Sa ngayon ay patuloy na nagpapaulan sa malaking bahagi ng bansa ang bagyong Domeng na humahatak sa habagat.
Sa pinakahuling monitoring ng PAGASA ay lumakas pa at isa nang ganap na tropical storm ang bagyong Domeng na gumagalaw sa direksyong pa-hilagang-silangan sa bilis na 17 kilometro kada oras.
Huling namataan ang bagyo sa layong 655 km Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 80 kilometro kada oras.
Patuloy namang uulanin ang Aurora, Bataan, Bicol Region, CALABARZON, MIMAROPA at Western Visayas.
Inaasahang sa Linggo pa ng gabi o Lunes ng umaga tuluyang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.
By Aiza Rendon