Humingi ng panalangin sa publiko si Monsignor Ding Coronel, Rector at Parish Priest ng Quiapo Church para sa mapayapang traslacion ng Itim na Nazareno sa Sabado, January 9.
Ayon kay Monsignor Coronel, milyon-milyon ang inaasahang lalahok sa traslacion kaya’t hindi maiiwasan na nagkakaroon ng hindi magandang pangyayari kada taon.
Dapat anyang unawain ng publiko ang pagpupumilit ng mga deboto na makalahok sa traslacion kahit pa sila mahirapan dahil sa ang bawat isa rito ay nakaranas ng milagro mula sa Poong Nazareno.
“Bawat isa ay may malapit na kuwento sa ating Poong Hesus na Nazareno, para sa kanila totoo ang Poong Senyor, meron silang hinihiling na talagang wala na silang mahihingan ng tulong at mahirap na ang sitwasyon nila, kung ikukuwento ko sa inyo talagang parang maka-bibliya nga yung kanyang anak na si John Ken dapat bulag, ngayon nakakakita, may isang jeepney driver, kurbado siya meron siyang tubig sa spinal cord, sabi ng mga doctor ay tiisin mo na lang yan, dumaan siya sa Quiapo, ngayon ay makisig siya.” Pahayag ni Coronel.
PNP: No threat
Samantala, walang banta sa seguridad na natatanggap ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng idaraos na traslacion ng Itim na Nazareno.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent Wilben Mayor, maging ang AFP ay wala ring natatanggap na impormasyon hinggil sa posibleng security threat sa naturang tradisyunal na aktibidad.
Gayunman, tiniyak ni Mayor na nakahanda at naka-alerto ang PNP at ang intelligence unit sa posibleng banta ng kaguluhan.
Tinatayang milyong-milyong deboto ang dadagsa sa Quiapo Church para makilahok sa naturang okasyon.
By Ralph Obina | Len Aguirre | Balitang Todong Lakas