Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na nakikita na ang panalo ng Pilipinas laban sa COVID-19.
Sa naganap na Talk to the People kagabi sinabi ng kalihim kay Pangulong Rodrigo Duterte na nananalo na ang bansa sa pagpuksa ng nakahahawang sakit.
Ayon kay Duque, sa nagdaang isang linggo o nito lamang Marso a-30 hanggang Abril a-5, nasa mahigit 2K na lamang ang naitatalang panibagong kaso ng COVID-19 kung ikukumpara sa naitalang kaso noong nakaraang linggo.
Kabilang sa mga nangungunang rehiyon na may mga bagong kaso ng COVID-19 ay ang Metro Manila na may naitalang 1,005; Region 4A na mayroong 345; at Region 3 na mayroon namang 237 na bagong kaso ng COVID-19.
Bukod pa dito, bumaba narin sa 1.8% ang positivity rate ng bansa bunsod narin ng pinaigting na vaccination coverage ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Duque na sa ngayon, panglima na lamang ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Southeast Asia kung saan nangunguna dito ang Vietnam, Indonesia, Malaysia at Thailand. — sa panulat ni Angelica Doctolero