Tiyak na ang landslide victory sa lalawigan ng Zambales nina presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos at running-mate niya na si Inday Sara Duterte kasama ang buong UniTeam senatorial line-up matapos mangako ng solidong suporta ang 13 alkalde ng Zambales, kasama na ng Siyudad ng Olongapo para sa kanila kamakailan.
Pinangunahan mismo ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr. ang pagpupulong nina Marcos kasama ang mga local executive sa lalawigan bago niya idineklarang ang lahat ng incumbent mayors, vice mayors, councilors, at iba pa nilang kandidato ay nagkakaisa para suportahan ang UniTeam.
“Mgakababayan, dumating na po ang pagkakataon na makakaharap natin ang taong hinahanap natin para maging puno ng gobyerno. Ang taong nakaka-alam kung paano magpalakad po. Mahal na Pangulo, nandito po ang mga leaders niyo,” pahayag ni Ebdane.
“Ito po ang line-up natin. Sa katunayan, ‘yung mga bayan nandiyan po silang lahat, kahit na magkakalaban pero sa inyo po silang lahat. Mga kababayan, ang ating Pangulo ng Pilipinas, President Ferdinand Marcos, Jr.,” dagdag niya.
Ayon naman kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr, naniniwala sila na si Marcos at Duterte ang pinaka-kwalipikadong tumakbo para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa, dahil na rin sa kanilang mga naging karanasan bilang local executives.
“Since may LGU background sila, maganda ang magiging pagpapalakad nila sa bansa. Naniniwala kami na magri-reflect ang experience nila as LGU executives sa pamamalakad nila sa national government,” wika niya.
Isang lokal na opisyal naman ang nagpahayag din ng suporta sa BBM-Sara UniTeam dahil naniniwala sila na kakayahan nilang magawa ang kanilang adhikain sa bansa.
“Kaya nga, gaya ng sinabi ni Governor Ebdane kanina, ang mga mayors, vice mayors, councilors, pati ‘yung mga tumatakbo ngayon para sa mga nabanggit na posisyon ay nagkaisa na suportahan sila,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat namang labis si Marcos sa napakalakas na suportang ibinibigay para sa UniTeam ng mga opisyal ng Zambales.
Dagdag pa niya hindi na kailangan ipaliwanag pa ang kanilang mensahe ng pagkakaisa dahil ito ay nagagawa na at isinasabuhay na ng lalawigan.
“Kagaya ng sinabi ni Gov. Jun ay kahit anong kulay basta nakapula lahat. Kung anuman ang kulay dito sa lugar ay pula lahat, berde lahat para tumulong sa ating mithiin sa darating na halalan,” paliwanag niya.
“Kaya ako’y nandito para magpasalamat sa inyong pahayag ng suporta, di lamang ang suportang pinapakita ninyo ay hindi lamang para sa mga kandidato, kami ni Inday Sara at ng mga senador ng UniTeam, kundi itong inyong pagpapakita ng suporta ay suporta rin sa aming adhikain na pagkakaisa,” sabi niya.
“Hindi ko na kailangang ipaliwanag kung ano ang pagkakaisa dahil natupad na yata dito sa lalawigan ng Zambales. Kaya naman napakagandang halimbawa na makita na kahit na sa magkabilang panig ay nagsasama rin para sa ikabubuti ng ating mamamayan, para sa ating minamahal na Pilipinas. Maraming salamat po sa inyong lahat,” sabi pa ni Marcos.