LALO pang lumakas ang tsansa nina presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos at running mate niya na si Inday Sara Duterte na magtagumpay sa darating na halalan sa Mayo 9, matapos madagdagan pa ang mga grupong political na nagpapahayag ng suporta para sa kanilang kandidatura.
Ilang araw lang matapos ang deklarasyon ng PDP-Laban para suportahan ang kandidatura nilang dalawa, nilagdaan naman nitong Miyerkules ang alyansa ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Reform Party (RP).
Sa isang simpleng seremonya, pinangunahan nina PFP Secretary General Thompson Lantion at Reform Party president James Layug ang pagpirma sa isang kasunduan upang maging kaalyado sa pagsusulong ng BBM-Sara UniTeam.
Sinabi ni Layug na sa lahat ng mga kandidato ngayon sa pampanguluhan, ang BBM-Sara UniTeam lamang ang nakikitaan nila ng sinserong pagtugon sa ‘continuity, sustainability & predictability’ sa mga matatagumpay na programa ng Duterte administration.
Ilan sa mga ito ay ang Build, Build, Build program, digital infrastructure, war against drugs, criminality at corruption.
Para kay Lantion, malaking bagay ang pakikipag-alyansa ng Reform Party dahil tulad ng bilin ni Marcos, pagkakaisa ang susi para sa pag-unlad ng bansa.
Aniya pa hindi matatawaran ang tulong na maaaring dalhin ng Reform Party sa kandidatura nina Bongbong at Inday Sara sapagkat isa ito sa pinakarespetado at organisadong political group sa bansa.
“Sa pagsama sa atin ng Reform Party ay makatitiyak tayo na ang lahat ng kanilang adhikain pagsdating sa ikabubuti ng bansa at ng ating mga mamamayan ay mas madali nating maisasakatuparan,” sabi ni Lantion.