Idinepensa ni Senator Panfilo Lacson si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa patuloy nitong pananahimik sa isyu ng “hit-and-run” incident sa Recto Bank na kinasasangkutan ng Chinese at Filipino fishing vessels.
Sa panayam ng DWIZ kay Sen. Lacson, sinabi nitong, naunawaan nya ang punong ehekutibo dahil nais lamang nitong maging maingat na wag nang lumala ang sitwasyon na maaring makaapekto sa relasyon ng Pilipinas at China.
“Well, if I know President Duterte alam mo, he values friendship pero ako I’m sure that he loves his country more. Kasi ito, sensitive issue ito as far as the Philippines or the president is concerned. Sensitibo because nakikipag kaibigan tayo sa China ng buong sinseridad. Hindi siya agad magsasalita diyan unlike yung kanyang statement doon sa Canada dahil may kabastusan naman ding binanggit ang prime minister ng Canada against him at the time, so doon, medyo barabara pero ito, para sa kanya, sensitive ito eh kasi nga nagpapakita siya ng pakikipag kaibigan na sincere pero pinag aaralan niyang mabuti. Hindi ako nagbibigay ng apologies for President Duterte pero yun ang nakikita kong dahilan kung bakit hindi siya nagsasalita dahil kumakalap siya ng totoo at kumpletong impormasyon.”
Binigyang diin ni Lacson na mas paniniwalaan niya ang report na inilabas ng Philippine Navy na sinadya ang pagbangga sa bangka ng mga pilipinong mangingisda kesa sa hindi aniya kapani-paniwalang pahayag ng Chinese Embassy.
“Medyo kumpleto na and mismo yung flag officer in command ng Philipine Navy nagsalita na hindi ito collision lamang kundi sadyang pagbangga doon sa fishing boat at narinig narin natin ang mismong pahayag ng kapitan ng fishing vessel ng Pilipino na sinasabi niyang talagang personal account ng nangyari sa kanila at katulad din ng sabi ko kanina, mas papaniwalaan ko yung storya ng mga kababayan nating fishermen kaysa ano man yung nilu-lubid lubid na istorya ng Tsina.”
Dagdag pa ng senador, naunawaan niya ang sitwasyon ni Pangulong Duterte lalo na’t kumikilos naman ang lahat ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kaugnay sa isyung ito.
“Ako naintindihan ko naman na hindi nagsasalita itong si Pangulong Duterte kasi nga may karampatang aksyon naman na ginagawa yung DFA, nagsasalita naman ang ating spokesperson, at meron naman talagang karampatang aksyon na ginagawa yung gobyerno. Tayo parang bahagyang buntot na wala nang ginagawa atleast yung Philippine Government.”
(From IZ Balita Nationwide Sabado- Tanghali interview)