Malaking hamon para sa susunod na administrasyon kung paano matutugunan ang problema ng bansa sa sektor ng pananalapi at ekonomiya.
Ito ang tinalakay sa lingguhang ALC Media Group at Alliance of People’s Organization joint Finance and Economy Forum ngayong Biyernes.
Ayon kay Dr. Eli Remolona, Professor of Finance at Director ng Central Banking sa Asia School of Business, dapat palakasin ang sektor ng Enerhiya, Transportasyon at Internet Connection sa bansa nang hindi naman nakaaapekto sa kalikasan.
Pagtutok naman sa COVID-19 response at mabilisang pag-aksyon ng Kongreso sa pagbalangkas ng batas ang hamon sa susunod na administrasyon ang ipinunto ng Financial Analyst na si Astro del Castillo.
Binigyang diin pa ni Castillo na kailangang solusyunan ang food security lalo’t maliban sa langis ay malaki rin ang epekto ng girian sa pagitan ng Ukraine at Russia sa produksyon ng trigo na pangunaging sangkap sa harina na siyang ginagawang tinapay.
Kailangan din aniyang solusyunan ang problema ng importasyon na siyang pumapatay sa mga lokal na magsasaka na nagreresulta sa matinding pagkalugi ng mga ito.
Kailangan din ayon kay Castillo na mahigpit na ipatupad ang ease of doing business upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa bansa.
Sa panig naman nila Ka Teri Tuazon at Joe Escartin na kumakatawan sa sektor ng mga manggagawa, kailangang palakasin ang pamamahagi ng subsidiya at ayuda sa mga manggagawang ngayon pa lamang bumabangon mula sa epekto ng pandemiya.
Kasabay nito, kailangan din anilang hikayatin ng Gubyerno ang mga negosyante para makalikha ng maraming trabaho. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)