Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Washington ang lahat ng filipino community sa Amerika na paghandaan ang massive winter storm doon.
Sa kanilang inilabas na advisory, sinabi nito na masusing imonitor ang mga ibinibigay na warnings ng kanilang mga lokal na opisyal.
Base sa naunang babala ng US National Weather Service , posibleng maapektuhan ang halos kalahati ng populasyon ng Estados Unidos sa tinawag nilang ‘Once-in-a-generation’ storm na maaring magdulot ng malakas na hangin at makakapal na snow o niyebe sa buong bansa.
Dahil dito, pinaalalahanana ng mga US officials ang mga apektadong residente na kung wala namang mahalagang lakad, iwasan muna ang paglabas ng kanilang mga tahanan.
Sakali namang kailanganin ng ating mga kababayan doon ang tulong ng Philippine Embassy, maaring kontakin ang kanilang hotline sa mga numerong (202) 368-2767 o (202) 769 8049.
Una nang napaulat na milyun-milyong tahanan ang nawalan ng kuryente nitong nakalipas na Biyernes matapos ang pananalasa ng “bomb cyclone” winter storm sa malaking bahagi ng Amerika na nagresulta sa pagsasara ng ilang kalsada, pagkansela ng mga flight at pagkakaantala ng biyahe ng mga Christmas travelers.