Pulitika ang isa sa nakikitang motibo ni Daanbantayan Mayor Vicente Loot sa nangyaring pananambang sa kanya at kanyang pamilya sa pier ng Daanbantayan, Cebu kaninang umaga.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Loot na bago ang pananambang ay may mga nabasa siyang post sa social media tungkol sa kanya.
“Nagatungan yan in fact, alam nila eh. Alam nila sa social media, nagsasabi sila na hindi na tatagal…kaya sinasabi ko pulitika dahil sinakyan nila tapos sila ang nag fi-feed ng information na umaabot sa opisina ng presidente.”
Nakatanggap din umano siya ng impormasyon na may dumating na mga operatiba at mga bounty hunter sa kanilang bayan bago ang pananambang.
“May nagsabi sakin na nasa Intel parin na may mga dumating na mga bagong operatiba atsaka mga for hires o mga bounty hunters na nagta-target ng mga pulis na involved yung mga pangalan pero walang mga kaso.”
Si Loot ay isa sa mga pinangalanan ni Pangulong Duterte na protektor umano ng droga bagay na itinanggi na ng alkalde.
“Kung ta-trabahuhin lang ng awtoridad yung mga trabaho nila, malalaman na wala akong kasalanan. Meron nga silang nai-clear na heneral na ebidensya, ako pa na walang ebidensya. Kilala ako rito sa Cebu. Wala akong involvement diyan. Kung lumitaw man yung pangalan ko, dahil ginagamit kasi ng kahit sino.Kahit nga magu-uling, ginagamit pangalan ko.”