Malaking paglabag sa batas ng Pilipinas ang pananatili ng mga sasakyang pandagat ng China sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Binigyang diin ito ni dating Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert Del Rosario matapos umanong ipatawag ng ahensya si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Hilian dahil sa presensya ng Chinese vessels sa naturang bahura na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Del Rosario, suportado niya ang hakbang ng DFA na ginawa ang constitutional duty nito para protektahan ang national sovereignty, territorial integrity at national interest ng bansa.
Sinabi ni Del Rosario na ang patuloy na pagtambay ng Chinese vessels sa Julian Felipe Reef ay malinaw na paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998 kung saan nakasaad na ang pagpasok ng anumang banyagang fishing vessel sa karagatan ng Pilipinas ay magsisilbing prima facie presumption na nangingisda ang mga ito sa karagatan ng bansa.