Nanindigan ang Department of National Defense na patuloy nilang isusulong ang mapayapang pagresolba sa mga sigalot hinggil sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Defese Sec. Delfin Lorenzana kasunod ng pag-alala ng Pilipinas sa pagkapanalo nito laban sa China sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands, limang taon na ang nakalilipas.
Ayon sa Kalihim, hindi lamang maituturing na milestone o mahalagang tagpo sa kasaysayan ang naturang desisyon kungdi ito ay final at executory na dapat sundin ng mga partidong sangkot.
Sa ilalim ng desisyon, kinikilala nito ang karapatan ng Pilipinas sa pagkakaroon ng 200 nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea habang ibinasura naman ang 9 dash line claim ng China sa buong karagatan.
Dahil dito, nanawagan si Lorenzana sa lahat ng partido na may interes sa West Philippine Sea na tumalima sa rules based international order at iwasan ang anumang mga hakbang na makapagpapalala sa sitwasyon. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)