Sinuportahan ni Vice President Leni Robredo ang pananatili ni Health Secretary Francisco Duque III sa puwesto.
Ayon kay Robredo, mahirap magpalit ng heneral sa gitna ng laban.
Ang dapat aniya ay maging bukas lamang si Duque sa mga kritisismo at hikayatin ang kooperasyon ng pribadong sektor sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gayunman, sinabi ni Robredo na naunawaan nya ang motibo ng Office of the Ombudsman sa inilunsad nitong imbestigasyon laban kay Duque.
Sa panahon ngayon anya ay napakahalaga na mayroong tiwala ang taong bayan sa mga namumuno upang mabilis na makuha ang kanilang kooperasyon.
Matatandaan na iniimbestigahan ng Ombudsman si Duque at iba pang health officials sa nabalam na ayuda sa mga namatay na health workers, overpriced testing kits at iba pa.