Maaari pang magbago ang pananaw ng mga botante kung sa pananaw nila ay magiging kapani-paniwala at malinis ang eleksyon sa Mayo 9.
Ayon kay Ronald Holmes, Pangulo ng Pulse Asia, nakasalalay ito sa mga kaganapan ngayong panahon ng kampanya at sa preparasyon ng Commission on Elections (COMELEC) para sa eleksyon.
Sinabi ni Holmes na may posibilidad na dumami pa ang magsabi na baka magkaroon ng dayaan sa eleksyon o kaya ay makumbinsi ng COMELEC ang mas nakararami na credible ang magaganap na eleksyon.
Una rito, lumabas sa survey ng Pulse Asia na 4 sa 10 botante ang kumbinsido na magkakaroon ng dayaan ang eleksyon.
“Kakaiba ang konteksto ng eleksyon ngayon sa konteksto noon, siguro sa kanilang mga lugar, o sa kanilang pagbasa sa national elections ay dikit ang labanan ngayon kung ikukumpara natin sa nakaraan, merong mga preparasyon na maaaring sa pananaw ng mamamayan ay medyo nade-delay kasi dati medyo nakalatag na ang karamihan ng mga preparasyon para sa automated counting o anumang bagay kaugnay ng eleksyon.” Pahayag ni Holmes.
Political dynasty
Tila hindi na isyu sa eleksyon ang political dynasty.
Ayon kay Ronald Holmes, Pangulo ng Pulse Asia, ito ay kung ibabatay sa resulta ng isinagawa nilang survey.
Pinuna ni Holmes na kumpara sa mga nagdaang mga eleksyon, bumaba pa kung tutuusin ang bilang ng mga tutol sa political dynasty.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Ronald Holmes, Pangulo ng Pulse Asia
By Len Aguirre | Ratsada Balita