Asahan ang mainit na panahon sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon pero may mga tiyansa ng panandaliang pag-ulan sa hapon hanggang sa gabi dulot ng mga localized thunder storm.
Makakaranas ng maalinsangang panahon na may kalat-kalat na pag-ulan, pag-kulog at pagkidlat ang bahagi ng Tuguegarao habang posible namang ulanin sa hapon o sa gabi ang Laoag, Baguio, Tagaytay, Legazpi, Kalayaan Island at Puerto Princesa, Palawan.
Dahil parin sa Low Pressure Area at easterlies, makakaranas ngayong araw ng kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang eastern Visayas, Caraga at Davao Region.
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng western at eastern Visayas pati narin sa Mindanao at may posibilidad na mga panandaliang pag-ulan pagsapit ng hapon at gabi dahil sa easterlies at localized thunder storm.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 24°C hanggang 33°C habang sisikat naman ang haring araw mamayang 6:13 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 6:03 ng hapon. —sa panulat ni Angelica Doctolero