Binatikos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang panawagan ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa New People’s Army (NPA) na sumanib sa mga anti-Duterte group para pabagsakin ang pamahalaan.
Ayon kay Lorenzana, ang panawagan ng CPP ay isang senyales na desperado na grupo dahil sa pagguho ng kanilang puwersa at paghina ng kanilang nakukuhang suporta.
Nagpapatunay din ito ng walang saysay na idelohiya ng CPP – NPA na ilang taon nang nagpapalaganap ng kasinungalingan.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Lorenzana na nakahanda silang ipagtanggol ang Pangulo mula sa banta ng CPP – NPA.
Mahigpit din aniya nilang binabantayan ang lahat ng institusyon ng pamahalaan na itinuturing na sagrado sa demokrasya ng bansa.
Matatandaang noong Disyembre ng nakaraang taon napabalita ang planong pagpapabagsak ng CPP sa Pangulong Rodrigo Duterte ngayong taong 2018.
Ito umano ang target ng grupo para sa pagdiriwang ng ika-49 na anibersaryo nito.
Bukod dito, target din ng CPP na maitayo ang pinakamalawak na unyon para maialis ang US – Duterte regime at umano’y fascist terror nito.
Kasabay nito, ibinabala ng CPP ang mas marami pang kilos – protesta at ang mga pagkilos anito na isinasagawa ng mga manggagawa, jeepney drivers at iba pang sektor sa taong ito ay dress rehearsal lamang.