Binatikos ng Malakaniyang si US Senator Marco Rubio sa panawagan nitong palayain na si Senador Leila De Lima dahil sa bogus o pekeng kaso ng droga laban dito.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, si Rubio ang bogus at walang batayan ang panawagan nito.
Nilinaw ni Panelo na ang mga kasong isinampa laban kay De Lima ay dumaan sa preliminary investigation ng prosecutors at evaluation ng mga hukom na nag isyu ng arrest warrant laban sa senador.
Si De Lima ay nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame noon pang February 2017 dahil sa alegasyong hinayaan nito ang operasyon ng illegal drugs sa New Bilibid Prisons noong siya pa ang justice secretary kapalit umano ng kontribusyon sa kaniyang 2016 senatorial campaign.