“Self-serving” at “naked display of self-interest.”
Ganito inilarawan ni labor leader at dating presidential candidate na si Ka Leody De Guzman ang banta nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Baste Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ginanap na ‘Hakbang ng Maisug’ Leaders’ Forum sa Magallanes, Davao City nitong January 28, 2024, matatandaang nanawagan si Mayor Baste kay Pangulong Marcos na kung wala itong pagmamahal at aspiration para sa bansa, mag-resign na ito.
Kaugnay nito, sa kaparehong event, sinabi ni dating Pangulong Duterte na nakita niya umano ang pangalan ni Pangulong Marcos sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na agad namang pinabulaanan ng ahensya. Ayon sa statement ng PDEA, kahit kailan, hindi nakasama ang Pangulo sa watchlist.
Para kay Ka Leody, gutom sa kapangyarihan ang pamilyang Duterte. Aniya, hindi pagmamahal sa bayan ang pinagmulan ng mga Duterte sa kanilang banta kay Pangulong Marcos, kundi ang kanilang kagustuhang iakyat agad sa pagkapangulo si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng constitutional succession.
Batay sa line of succession ng 1987 Constitution, vice president ang papalit kung sakaling mamatay, magkaroon ng kapansanan, o magbitiw sa pwesto ang kasalukuyang pangulo.
Ayon kay Ka Leody, umaasa dito ang mga Duterte upang maitalaga agad bilang pangulo si Vice President Sara, kaya aniya, gusto nilang patalsikin si Pangulong Marcos.
Panawagan ni Ka Leody sa mga Duterte, huwag masyadong magyabang at huwag ipilit sa swerte ang kanilang kahilingan. Ito ay matapos niyang ipaalala ang pagbasak ni dating Vice President Jejomar Binay sa surveys kahit pa siya ang nangunguna sa mga paunang survey bago ang halalan noong 2016 presidential election.
Samantala, nilinaw naman ni Pangulong Marcos na patuloy pa rin ang tiwala at kumpiyansa ni Vice President Sara sa kanya. Aniya, matatandaang hindi lang dalawa o tatlong partido ang UniTeam, kundi isang pagsasama-sama ng lahat ng political forces na nagtutulungan para ikabubuti ng Pilipinas.
Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, “it is still vibrant. It is still working, and we will continue.”