Tumitindi ang panawagan ng iba’t ibang grupo para sa pagbibitiw sa pwesto ng ilang opisyal ng gobyerno na umano’y patong-patong na ang kapalpakan.
Kabilang sa pinagbibitiw sina Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Jun Abaya, Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad, at si Agriculture Secretary Proseso Alcala.
Ayon sa mga commuters’ group na Train Riders Network at National Council for Commuters’ Safety and Protection, dapat managot si Abaya sa mga kapalpakan sa mga paliparan at MRT.
Iginiit naman ng Makabayan Bloc, dapat ding managot si Alcala at Abad sa hindi pagpapalabas ng pondo para tulungan ang mga apektado ng El Niño.
Nauna rito, ipinanawagan ni Senador Chiz Escudero ang pagbibitiw sa pwesto nina Abaya, Abad, at Alcala.
Binigyang diin ni Escudero na sobra na ang kapalpakan ng mga nasabing opisyal na pinalala pa ng hayagang pamumulitika, pagpapabaya, at pag-abuso sa kanilang pwesto.
By Avee Devierte | Bert Mozo (Patrol 3)