Ibinasura ng Malakaniyang ang panawagan ng ilang mambabatas na buwagin na ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa gitna ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi dapat isisi sa IATF ang muling pagdami ng kaso ng nakahahawang sakit sa bansa dahil malinaw na isa sa dahilan nito ay ang mga bagong COVID variants.
Iginiit din ni Roque na lahat ng ipinatutupad ng IATF na quarantine measures o karagdagang restrictions ay may siyentipikong batayan.
Dagdag pa ni Roque hindi lang sa Pilipinas nararanasan ang muling pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Una rito, iminungkahi ni Sen. Imee Marcos na buwagin na ang IATF dahil sa umano’y kapalpakan at nakakalitong patakaran ng mga ito.