Naibasura na ang lahat ng isinumiteng apela para magdeklara ng failure of elections sa 3 probinsiya sa Mindanao na kinukuwestiyon ni defeated Vice Presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.
Ito ang inihayag ng Commission On Elections(COMELEC) bilang bahagi ng hinihinging komento ng korte suprema na umuupo bilang Presidential Electorial Tribunal sa election protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon sa COMELEC, 8petisyon para sa pagdedeklara ng failure of elections sa Lanao Del Sur at Maguindanao noong 2016 ang inihain ng magkakaibang kandidato.
Gayunman lahat ng mga ito ay hindi umusad dahilan kaya walang ginanap na special election sa mga nabanggit na lalawigan.
Samantala, sinabi naman ng COMELEC na maaaring ipawalang bisa ng PET ang resulta ng eleksyon pero hindi ito maaaring magdeklara ng failure of election.
Anila, sakaling ipawalang bisa naman ng PET ang resulta ng eleksyon kailangang masunod ang mahigpit na standards at procedure of law hinggil dito at mayroong matibay na ebidensiya para gawin ito.
Magugunitang, ipinapawalang bisa ni Marcos sa PET ang resulta ng eleksyon sa Lanao Del Sur, Basilan at Maguindanao dahil sa terorismo, pananakot at panghaharass sa mga botante.