Mangangailangan ng isang batas para masala kung sino ang mga partikular na indibiduwal na maaari lang magdala ng armas.
Ito ang sagot ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa panawagang higpitan ang regulasyon sa paglalabas ng lisensya at permit to carry ng mga armas.
Una rito, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na dati ring naging chief PNP na posibleng maabuso ang nasabing mungkahi ng Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga anti-crime volunteers kaya’t kailangang higpitan ang mga polisya hinggil sa pagmamay-ari ng mga baril.
Pero giit ni Eleazar, marami ang kumukuha sa kanila ng lisensya at permit para magmay-ari ng armas tulad ng mga gun enthusiast, miyembro ng media, mga abogado at maging ang mismong mga pulitiko kabilang na ang mga mambabatas.
Binigyang diin pa ng PNP chief na sa ilalim ng umiiral na mga batas, kahit sino basta’t kuwalipikado at responsable ay maaaring magmay-ari ng baril.
Kaya naman nanindigan ang PNP na wala silang babaguhin sa mga kasalukuyang regulasyon dahil tanging ang mga mambabatas lang ang makagagawa nito sa pamamagitan ng lilikhain o aamiyendahan nilang batas. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)