Hindi na kailangan pang imbestiganan ng Senado at ng NBI o National Bureau of Investigation ang ginawang raid ng pambansang pulisya sa tahanan ng pamilya Parojinog sa Ozamiz City nuong Hulyo a-30.
Ito’y ayon kay Presidential Chief Legal Counsel Atty. Sal Panelo kasunod ng panawagan ni Senadora Leila de Lima makaraang kuwestyunin nito ang timing ng paghahain ng search warrant laban sa pamilya Parojinog na nauwi sa madugong engkuwentro.
Giit ni Panelo, dapat alam ni De Lima bilang isang abogado na maaaring isilbi ang search warrant sa kahit anong oras lalo na sa madaling araw upang hindi makatakas at hindi mapagtakpan kung anuman ang itinatago ng isang sisilbihan nito.
Kasabay nito, iginiit ni Panelo na hindi siya kumbinsido na nauna ang mga pulis na nagpaputok sa nangyaring engkuwentro sa raid at kaya itong patotohanan ng mga opisyal ng barangay at miyembro ng media na kasama rin dito.