Nananatiling buo ang tiwala ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) sa ginagawang pagrepaso nito sa mga kasong may kinalaman sa kanilang mga operasyon kontra iligal na droga.
Ito ang inihayag ng PNP matapos na suspindehin muna ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon nito sa war on drugs sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Rhoderick Alba, kanilang iginagalang ang pasya na ito ng ICC ngunit tiwala sila sa mga ginagawang hakbang ng Pamahalaan ng Pilipinas para itama ang mga pagkakamali ng nakalipas.
Magugunitang isinumite ng PNP sa DOJ ang may 53 case folders ng mga ikinasang operasyon kontra iligal na droga kung saan, nasangkot ang mga pulis sa ilang patayan sa ilalim nito.
Umaasa naman ang PNP na maisasapubliko agad ng DOJ ang mga naging resulta ng ginawang pagrepaso nito sa mga kaso sakaling matapos na ang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI). —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)