Tuloy pa rin ang panawagan ng Migrante at iba pang grupo ng Overseas Filipino Workers (OFW’s) na magbitiw sa puwesto si Customs Commissioner Bert Lina.
Inihayag ito ni Migrante Chairperson Connie Regalado sa kabila ng paghingi na ng paumanhin ni Lina sa mga OFW’s.
Ayon kay Regalado, hindi lamang naman ang isyu ng pagbubukas ng balikbayan boxes ang kanilang ipinaglalaban kundi maging ang plano ng BOC na patawan ng mas mataas na buwis sa mga containers na may dala ng balikbayan boxes dahil siguradong ipapasa rin ito sa mga OFW’s.
“Hindi pa naman tapos ‘yung issue at tingin namin ay itataas pa ‘yung campaign, ang usapin kasi ng lahat ng ito, ang pinagmulan ay kung paano sila makapag-raise ng revenue, bahagi ito ng malaking kampanya laban sa mga panukalang nagbibigay pahirap sa ating taongbayan sa pamamagitan ng paniningil ng kung anu-anong mga bayarin.” Pahayag ni Regalado.
Iginiit ng Migrante na kailangang isapubliko rin ng BOC ang listahan ng lahat ng nabuksan nilang balikbayan boxes, kung ano ang mga laman nito at kung natanggap na ito ng pamilyang pinadalhan.
“We still demand na kailangang magsumite siya full report, at isapubliko ito kaugnay ng kung ilang boxes ang talagang nabuksan, anu-ano ang laman at kani-kanino ‘yun para lubusan ‘yung kanyang public apology.” Ani Regalado.
Ayon kay Regalado, malinaw na inamin na ng BOC na wala silang natagpuang kahit anong kontrabado sa mga binuksan nilang balikbayan boxes at wala rin silang record na mayroong ganitong insidente sa mga nagdaang panahon.
Sa ngayon, sinabi ni Regalado na ibubuhos nila ang kanilang suporta sa panukalang batas ni Senador Ralph Recto na itaas sa 2,000 dollars o halos P90,000 ang ceiling o limit ng halaga ng laman ng balikbayan boxes na libre sa buwis.
“Hindi natin alam kung kani-kanino ang mga boxes na ‘yun, meron namang pangalan at puwede nilang kontakin eh, na ito kailangan naming buksan, gayunpaman nangyari na ‘yun at nag-public apology na si Commissioner Bert Lina pero kaakibat nun dapat mag-submit sila ng public report kaugnay sa pagbubukas nila ng mga balikbayan boxes.” Giit ni Regalado.
By Len Aguirre | Ratsada Balita